-- Advertisements --

Pansamantala munang itinigil ang isinasagawang final clinical trial ng kompanyang AstraZeneca at Oxford University para sa potensyal na bakuna laban sa COVID-19.

Ito’y matapos na dumanas ng hindi pa maipaliwanag na sakit ang isang volunteer sa United Kingdom.

Inamin ni British Health Minister Matt Hancock na malaking hamon para sa kanila ang paghinto ng vaccine trials at hindi lamang daw ito ang unang pagkakataon na may nangyaring ganito sa Oxford vaccine.

Pero ayon kay Hancock, hindi naman daw ito balakid para sa development process ng bakuna.

“It is obviously a challenge to this particular vaccine trial,” wika ni Hancock sa isang panayam. “It’s not actually the first time this has happened to the Oxford vaccine.”

Sa ngayon, hinihintay na lamang ng British government ang kalalabasan ng isinasagawang imbestigasyon.

Isa ang naturang bakuna sa itinuturing na strong contender sa napakaraming mga potesyal na COVID-19 vaccine na ginagawa sa iba’t ibang dako ng mundo. (Reuters/ BBC)