-- Advertisements --
DOST office Taguig
IMAGE | DOST office in Taguig City

MANILA – Umaasa ang Department of Science and Tecnology (DOST) na pahihintulutan din sila ng Department of Health na magsagawa ng clinical trials ng lagundi para sa mga moderate at severe na pasyente ng COVID-19.

“Ito ay karagdagan sa standard of care… wala naman daw palang binibigyan na standard of care sa mga mild. Binibigyan lang ng zinc at pagkatapos ay hydration o maraming fluids, at nung dinagdag ang lagundi, ito ang naging resulta,” ani Sec. Fortunato de la Peña sa Laging Handa public briefing.

Nitong araw nang aminin ng DOST na nakatulong ang halamang gamot na lagundi para gumaling ang ilang pasyente na may mild infection sa COVID-19.

“Yung mga nag-lagundi, madaling nagbalik ang kanilang pang-amoy… yung mga may sintomas ng nag-take ng lagundi ay mas unang nawala yung mga sintomas,” ani Dela Peña.

May 278 pasyenteng kasali sa clinical trial, na pare-parehong galing sa pitong quarantine facilities sa National Capital Region.

Hinati sila sa grupo ng mga tumanggap ng lagundi mixture at placebo.

Ayon sa kalihim, inabot ng pito hanggang walong araw bago gumaling sa COVID-19 ang mga pinag-aralang pasyente.

“Lahat naman sila ay gumaling… ang kanilang kabuuang finding wala naman naging adverse effect.”

Natapos na ng clinical trial team ang Stage 1 at Stage 2 ng pag-aaral. Sa ngayon sinisimulan na raw ng grupo ang analysis sa resulta ng kanilang pagsasaliksik.

Aalamin din umano ng researchers ang antas ng viral load ng mga pasyente matapos tumanggap ng lagundi mixture.

“Makikita sa paga-analyze ng RT-PCR results kasi bawat pasyente sinubject sa PCR results hindi lang minsan, kaya minonitor nila ‘yan.”

Si Dr. Cecilia Maramba-Lazarte, na miyembro rin ng Health Technology Assessment Council ng DOH ang namumuno sa clinical trial ng lagundi.

MASS PRODUCTION

Rehistrado na sa Food and Drug Administration ang lagundi bilang supplement para sa ubo. Pero hindi ibig sabihin nito na pwede ng ituring na gamot sa COVID-19 ang mga nabibiling lagundi supplement sa mga botika.

“May mass production na ang lagundi dahil approved ng FDA as cough remedy… kung ito ay magkakaroon ng magandang resulta (sa clinical trial) pwede ng idagdag doon sa kanilang indications na magagamit din sa COVID-19.”

“Nabibili na to sa botika at mayroong instructions doon kung gaano karami (ang ite-take) pero mas maganda pa rin kung papayuhan ng doktor kung paano kukuha niyan.”

Binigyang diin ng Science secretary na kahit may mga pauna ng ebidensya na mabisa ang lagundi sa pagpapagaling ng COVID-19 patients, kailangan pa rin tumanggap ng publiko ng bakuna.

“Ito ay gamot at hindi (for) prevention… ang mainam lang ay easily available, mura, at galing sa ating sariling halaman.”