CAUAYAN CITY- Puntirya ng Department of Science and Technology (DOST) na tapusin sa buwan ng Oktubre ang clinical trial ng virgin coconut oil (VCO) sa mga nagpositibo sa CoViD-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Imelda Agdeppa, Director 4 and Scientist 2 ng DOST na isinasagawa ang clinical trial sa Valenzuela City Emergency Hospital at ospital ng Muntinlupa.
Binibigyan ng VCO bilang food supplement ang mga positibong kaso na mild at moderate ang kalagayan.
Dapat aniya ay magkaroon sila ng isang daan dalawampong kaso para makita ang epekto ng VCO.
Sa ngayon ay tatlumpu’t anim pa lamang ang kanilang pasyente pero naumpisahan na ang pag-aaral at may mga natapos na rin.
Tiniyak niya na maganda ang epekto nito at wala silang naramdaman na side effects.
Sa ngayon, ang hamon lamang sa kanila ay ang pagkuha ng sasailalim sa pag-aaral na walang comorbidities.
Umaasa sila na matatapos sa Oktubre ang pag-aaral at mailabas ang resulta sa Nobyembre.