Sisimulan na ang trial ng patuturok ng ika-apat na COVID-19 vaccine shot sa 150 staff sa isang malaking ospital sa Israel.
Ayon sa Sheba Medical Center malapit sa Tel Aviv na ang kanilang isasagawang trial ay layong mabigyang linaw ang efficacy ng ika-apat na dose at matulungan ang mga decision makers na makapaglatag ng polisiya sa kalusugan sa Israel at abroad.
Ang mga medical workers na kalahok sa trial ay naturukan ng booster shots ng hindi lalagpas ng Agosto 20.
Nauna rito, inirekomenda ng Health Ministry panel of experts ang pagbibigay ng fourth dose ng Pfizer BioNtech vaccine sa mga Israeli edad 60 pataas na nakatanggap na ng booster shots apat na buwan ang nakalilipas.
Subalit nakabinbin pa sa ngayon ang approval mula sa director-general ng ministry sa gitna ng debate hinggil sa siyentipikong impormasyon na makakapagpatunay sa bagong booster drive.
Nakapagtala ang Israel ng 1,118 confirmed cases ng highly transmissible na Omicron variant kung saan dumoble pa ang bilang ng infected individual kada dalawang araw.