-- Advertisements --

Kasado na sa August 17 ang clinical trial ng bansa sa Japanese anti-influenza drug na Avigan bilang investigational na gamot laban sa COVID-19.

Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) matapos ipagpaliban ang dapat sanang schedule ng pagsisimula ng trials ngayong araw.

“May mga fina-finalize na documents sa legal para lang maisaayos na natin ito and we will be ready to start it,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa opisyal, nasa 100 COVID-19 patients ang isasailaim sa trial na isang uri ng “open label multi-centered randomized comparative study.”

“May dalawang study arms and concealed allocation. Ibig sabihin hindi alam ng mga pasyente kung anong matatanggap nila.”

Sa ilalim nito, makakatanggap ng existing supportive care ang unang kalahati ng 100 patients. Ang matitira naman ay bibigyan ng parehong supportive care na may kasamang Avigan.

Nilinaw ni Vergeire na hindi maaaring basta sumali ang sino mang pasyente dahil may kailangan sundin na requirements.

“May inclusion and exclusion criteria. Unang-una yung edad, kailangan 18 to 74 years old. Hindi ka pwede kung ikaw ay ayaw pumayag na mag-contraceptive method while you are taking Avigan.”

Kasali rin sa hindi pwede ang may sakit sa puso, bato; at may co-existing bacterial infection.

“Marami pang mga conditions for ineligibility para hindi makasali rito.”

Ang gamot na Avigan ay isa rin sa mga pinag-aaralang medical drug na posibleng lunas sa COVID-19. Galing sa Japan ang supply ng Avigan na mayroon ang Pilipinas matapos padalhan ng pamahalaan ng naturang estado.