Naabot na ng Department of Science and Technology (DOST) ang Phase 2 clinical trials para sa posibleng gamot laban sa dengue.
Ayon kay DOST Sec. Fortunato Dela Peña, nasa 600 volunteers ang nagpatala para sa Phase 2 clinical trial na pinangungunahan ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD).
Inaasahang naman aniyang natatapos ang proyekto sa loob ng 10 buwan.
Paliwanag naman ni Dr. Jaime Montoya, executive director ng PCHRD, nakita sa 1st phase ng clinical trials na natapos noong 2020 na ang formulation na tinest sa anim na pasyente ay nagdulot lamang ng “minimal” at panandaliang side effects.
Ilan umano sa mga side effects ay pananakit ng ulo, pagsusuka, at pagkahilo.
“Walang ibang major side effects po ang naitalaga o na-identify dahil sa pag-inom ng formulasyon na ito. Ngayong taon nakatakdang isagawa ang phase 2 clinical trial na may layong subukin ang safety and efficacy nitong dengue drug candidate sa higit kumulang na 600 volunteers,” wika ni Montoya.
Sinabi ni Montoya, susuriin naman daw sa phase 2 clinical trial ang pagiging mabisa ng naturang candidate drug.
“Iimbestigahan… [ito] sa pamamagitan ng pagpapababa ng viral load o pagbawas ng viral leakage at pagpapabuti ng platelet formation… Ang phase 2 ay nakataktang isagawa sa Cavite at inaasahang matatapos sa loob ng 10 buwan,” ani Montoya.
“Kapag naging matagumpay ang mga susunod na trials ang proyektong ito po ay makakagawa po ng kauna-unahang gamot laban sa dengue,” dagdag nito.
Noong 2019, bumaba sa 81% ang mga naitatalang kaso ng dengue kumpara noong 2018, na nasa 79,219 cases at 306 deaths.