Pansamantalang sinuspinde ng Peru ang clinical trials ng isang COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese drug firm na Sinopharm matapos makitaan ng neurological problem ang isa sa mga test volunteers.
Ayon sa National Institute of Health ng bansa, itinigil muna nila ang trial matapos dumaing ang isang volunteer na nahirapan daw itong igalaw ang kanyang braso.
“Several days ago we signaled, as we are required, to the regulatory authorities that one of our participants (in trials) presented neurological symptoms which could correspond to a condition called Guillain-Barre syndrome,” wika ni chief researcher German Malaga.
Ang Guillain-Barre syndrome ay isang pambihira at hindi nakahahawang sakit na nakakaapekto sa paggalaw ng mga braso at binti.
Nakatakda na sanang magtapos ang clinical trials ng Sinopharm vaccine sa Peru ngayong linggo matapos isailalim sa test ang nasa 12,000 katao.
Sa oras na mapatunayang mabisa ito laban sa COVID-19, inaasahang bibili ang Peruvian government ng hanggang 20-milyong doses para maturukan ang mayorya sa populasyon nito.
Nasa 60,000 katao na sa buong mundo ang tinurukan ng Sinopharm vaccine, kabilang na ang mga volunteers mula Argentina, Russia at Saudi Arabia.
Sa pinakahuling datos, pumalo pa sa 36,499 ang death toll at 979,111 ang kabuuang bilang ng mga nagpopositibo sa deadly infection sa Peru. (AFP)