MANILA – Umarangkada na ang clinical trial o pag-aaral ng Department of Science and Technology (DOST) para sa virgin coconut oil (VCO) bilang supplement ng COVID-19 patients sa Valenzuela City.
Pero ayon kay Science Sec. Fortunato de la Pena, kulang pa ang bilang ng mga participants sa pag-aaral.
Target ng DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI) na makapag-enroll ng 120 na participants.
Sa kasalukuyan, may 35 indibidwal nang kwalipikado bilang participant sa clinical trial.
“10 are still undergoing intervention while 19 have graduated or completed the program,” ani Dela Pena.
“There were 6 participants who have withdrawn and did not complete the intervention.”
Ang Valenzuela City ang ikatlong clinical trial site ng DOST-FNRI para sa kanilang pag-aaral sa virgin coconut oil.
Inilunsad ng ahensya ang research noong nakaraang taon sa Sta. Rosa Community Hospital sa Laguna, at Philippine General Hospital (PGH).
Kasalukuyan pa ring lumalakad ang pag-aaral sa PGH, pero lumabas sa paunang pag-aaral na nakatulong ang VCO sa paggaling ng mga probable at suspect COVID-19 cases.
Kamakailan nang mailathala sa international research journal ang resulta ng clinical trial ng ginawa ng Science department.