Bigo ang Los Angeles Clippers na umusad sa No. 6 sa Western Conference matapos itong patumbahin ng top NBA team – Oklahoma City Thunder.
Pinilit ng Clippers na bumangon sa 2nd half ng naturang match mula sa malamiyang 2nd quarter ngunit mahigpit na pinigilan ng OKC ang comeback effort ng koponan.
Tuluyang tinapos ng OKC ang laban sa score na 103 – 101, tangan ang dalawang puntos na kalamangan sa pangunguna ni Shai Gilgeous-Alexander na kumamada ng 26 points.
Hindi naman umubra ang 25 points at sampung rebounds ng NBA champion na si Kawhi Leonard na ibinabad ng 40 mins sa hardcourt.
Dating nasa pang-pitong pwesto ang LAC bago ang naturang laban ngunit tuluyan itong pinalitan ng Minnesota Timberwolves, hawak ang win-loss record na 41 – 31.
Kung naipanalo sana ng Clippers ang naturang laban, mapapahanay na ito sa Golden State Warriors sa No. 6 (41 – 30).
Sa kasalukuyan, hawak ng OKC ang pinakamagandang record (59-12) at No. 1 sa West.
Sinusundan ito ng Houston Rockets, Denver Nuggets, Los Angeles Lakers, Memphis Grizzlies, at GS.