Nagpakawala ng 29 points si Kawhi Leonard upang masilo ng Los Angeles Clippers ang unang panalo sa kanilang Western Conference semifinals series makaraang ibaon nila nang husto ang Denver Nuggets, 120-97.
Umalalay din sa hanay ng Clippers si Paul George na nag-ambag ng 19 points, at Marcus Morris na may 18.
Mistulang sinamantala ng Los Angeles ang malamyang opensa ng Nuggets, na nagtala lamang ng 42% mula sa field.
Sa kampo ng Denver, nalimitahan lamang sa 15 points si big man Nikola Jokic para pangunahan ang koponan.
Ayon kay Denver coach Michael Malone, posibleng ang kakulangan sa panahon para makapag-ensayo ang isa sa mga dahilan kung bakit sila nabigo sa Game 1.
“Their last game was Sunday. We had our last game on Tuesday night and didn’t get back to the hotel until after midnight. … We were tired. Tomorrow we will get them as much as rest as we can and have a more energetic performance Saturday night,” wika ni Malone.
Maging si Jamal Murray, na may average na 31.6 points sa first round at dalawang beses na umiskor ng nasa 50 points sa naturang serye, ay nagtapos lamang na may 12 points sa 5-for-15 shooting.
Nakontrol ng Clippers ang laro sa second quarter, na-outscore ang Nuggets 38-20 upang kunin ang 69-51 abanse sa halftime.
Nagpatuloy ang pagdomina ng Clippers sa ikatlong quarter kung saan nalimitahan lamang nila sa 16 puntos ang Nuggets sa nasabing yugto at hawakan ang 91-67 lamang pagpasok ng final canto.