Ginulat ng Los Angeles Clippers ang mundo ng National Basketball Association(NBA) matapos bitawan ang triple-double king na si Russell Westbrook.
Si Westbrook ay na-trade sa Utah Jazz sa pamamagitan ng sign-and-trade deal kapalit ng point guard na si Kris Dunn.
Ayon sa mga NBA insider, maaaring bitawan din ng Jazz ang dating NBA MVP. Kapag nangyari ito, maaari umanong mapunta si Westbrook sa 2023 NBA Champion na Denver Nuggets .
Kaakibat ng naging trade kay Westbrook ay ang isang 2nd round pick para sa 2030, draft right para sa sentrong si Balsa Koprivica, at cash considerations, habang ang tanging natanggap lamang ng Clippers ay ang point guard na si Kris Dunn.
Si Westbrook ay 9-time All Star at dating 2017 MVP habang naglalaro sa Oklahoma City Thunder.
Ito na ang ika-limang trade na nangyari sa kaniya sa kanyang karera sa NBA. Habang nasa Clippers siya, naglalaro lamang siya bilang banko at naitala ang career-low average na 11.1 points per game.
Maalalang dati ring naglaro si Westbrook sa ilalim ng Los Angeles Lakers na pinamumunuan nina Lebron James at Anthony Davis ngunit bigo ang tatlo na makapagbulsa ng kampeonato.
Lumipat siya sa Clippers kasama ang big-two ng koponan na sina Kawhi Leonard at Paul George ngunit hindi nakakuha ng kampeonato ang mga ito.