-- Advertisements --

Nagpakawala ng 35 points si Paul George upang pamunuan ang Los Angeles Clippers sa kanilang pagmasaker sa Dallas Mavericks sa Game 5, 154-111.

Umalalay din sa Clippers si Kawhi Leonard na pumoste ng 32 points.

Dahil sa panalo, tangan na ngayon ng Clippers ang 3-2 lead sa kanilang serye ng Mavs.

Sa kampo ng Dallas, nalimitahan lamang sa 22 points si Luka Doncic.

Hindi naman naglaro muna si Mavericks center Kristaps Porzingis dahil sa nararanasang pamamaga sa kanang tuhod.

Ito na ang ikalawang sunod na pagkakataon na hindi muna naglaro ang 7-foot-3 Latvian.

Dumagdag pa sa malas ng Mavs nang ma-eject sa third quarter si Dallas coach Rick Carlisle.

Sa first half pa lamang ng bakbakan ay agad na nagpasiklab ang Los Angeles kung saan napalawig nila ang kanilang lamang ng hanggang 27 puntos sa first half.

Lalo pang tumindi ang opensa ng Clippers sa second half na pinalaki pa ang kanilang agwat ng hanggang 45 points.