-- Advertisements --

Muli na namang minalas ang Los Angeles Lakers habang naghahabol na makasingit sa playoffs matapos ibaon pa ng karibal nila na Los Angeles Clippers, 113-105.

Ito na ang ika-anim na panalo ng Clippers sa huling walong laro upang patibayin ng team ang kanilang solong hawak  (37-29) sa seventh place sa Western Conference.

Habang ang Lakers naman ay lalo pang nameligro sa kanilang record ngayon na 30-34.

Nanguna sa opensa ng Clippers sina Danilo Gallinari na may 23 points at Lou Williams na nagdagdag ng 21.

Nasayang naman ang ginawa ni LeBron James na nagtapos sa 27 points at Rajon Rondo na naiposte ang ika-32 career triple-double.

Para sa Lakers ito na ang ika-siyam na talo sa huling 12 laro mula nang talunin nila ang Clippers noong January 31.

Nitong nakalipas lamang na araw ay pinahiya ang Lakers ng NBA-worst team na Phoenix makaraang ilampaso ang grupo ni James.

Nagpadagdag pa sa kamalasan ng Lakes ang kawalan ni Lance Stephenson (sprained toe), Tyson Chandler (stiff neck) at si Lonzo Ball na umabot na sa 17 straight games na hindi nakakalaro bunsod ng sprained left ankle at bone bruise.

Sunod na misyon ng Clippers ay laban sa Thunder sa Sabado.

Samantalang host naman ang Lakers sa banggaan nila ng Nuggets sa Huwebes.