
Sinalubong nang kamalasan ang Los Angeles Clippers sa kaabang abang na pagbabalik ni Paul George nang masilat sila ng New Orleans Pelicans, 132-127.
Ito ang unang game ni George sa bagong team, mula sa pagpapagaling sa injury at nang maging free agent.
Nasayang ang buwena manong 33 points ni Paul para sa Clippers, kung saan meron din siyang nine rebounds at four assists sa 24 na minuto na paglalaro.
Gayunman halatang nangamote ang Clippers sa unang bahagi ng laro dahil sa wala ang dating NBA MVP na si Kawhi Leonard na pinagpahinga muna bunsod nang namamagang paa matapos ang laro nitong nakalipas na araw laban sa Houston.
Sa kampo ng Pelicans nagtala ng 36 points si Jrue Holiday at tatlong beses pa niyang pinahiya si George nang maagawan niya ng bola sa huling minuto ng laro.
Ang panalo ng New Orleans ay sa kabila rin na wala rin ang kanilang mga starters dahil sa injury na sina Brandon Ingram (right knee) at Lonzo Ball (groin).
Buti na lamang at nagpakitang gilas si Derrick Favors na may 20 points at career-best na 20 rebounds sa kanyang unang 20-20 game sa 10 taon na niyang career sa NBA.
Ang reserve naman na si Frank Jackson ay hindi rin nagpahuli sa 23 points.
Sa kabila ng pagkatalo, angat pa rin sa record ngayon ang Clippers na merong pitong panalo at limang talo.
Habang ang Pelicans ay hawak ang 3-8 record.
Sunod na laro ng Clippers ay sa Linggo laban sa Atlanta bilang bahagi ng limang magaganap na sunod-sunod na home games.
Ang Pelicans naman ay tutungo sa Miami sa Linggo na susundan ng game laban sa Golden State Warriors sa Lunes.