Tuluyan nang nasikwat ng Los Angeles Clippers ang second seed sa Western Conference makaraan ang 124-111 pagdurog nila sa third-seeded na Denver Nuggets.
Nagsanib-puwersa sina Paul George na kumamada ng 27 points, habang may 26 naman si Kawhi Leonard para sa Los Angeles.
Haharapin ng Clippers ang seventh-seed na Dallas Mavericks sa pag-uumpisa ng playoffs sa susunod na linggo.
Nakuha ng Clippers ang kontrol nang magpaulan sila ng 13 sunod-sunod na puntos sa kalagitnaan ng third quarter, para hindi na lingunin ang Denver.
Hindi rin nagpapigil si Lou Williams, na nagtapos na may 23 markers para ialay sa Clippers.
Ang nagbabalik namang si Jerami Grant ang sinandalan ng Nuggets na may 25 puntos.
Humugot ng 17 markers at 13 assists si Nikola Jokic, ngunit umupo na lamang sa halos kabuuang ng final canto dahil pinagpahinga ni coach Mike Malone ang karamihan sa kanyang mga top players.