Pasok na sa Western Conference finals ang Los Angeles Clippers matapos na walisin sa Game 6 ang Utah Jazz sa iskor na 131-119.
Masaklap ang pagkatalo ng Jazz dahil pagsapit ng third quarter ay abanse pa sila ng 25 points pero dito na unti-unting humabol ang Clippers hanggang sa walang humpay na magpaulan ng 3-points sa 4th quarter.
Ang matinding comeback ng Clippers ay sa kabila na hindi na naman nakalaro sa ikalawang pagkakataon si Kawhi Leonard bunsod ng injury.
Hindi rin naman inaasahan ang biglaang pag-angat ng performance mula sa bench na si Terance Mann na nagtala ng career-high na 39 points kung saan 25 dito ay kanyang naipasok sa 2nd half.
Todo kayod din ang ginawa ng veteran na si Paul George na kumamada ng 28 points, nine rebounds at seven assists na sinuportahan ng 27 puntos at 10 assists mula kay Reggie Jackson.
Tinapatan ng LA ang init sa opensa ni Donovan Mitchell na nagpakawala ng 39 points.
Maging ang Filipino American na si Jordan Clarkson ay nagpakitang gilas din kung saan sa 2nd quarter lamang ay nagbuslo ito ng 21 puntos.
Pero sa huli hindi na kinaya ng Jazz ang walang humpay na paghahabol ng karibal na team.
Sinasabing ito ang ikalawang pagkakataon sa franchise history ng Jazz na nag-collapse sila mula sa 25-puntos na abanse sa isang postseason game.
Para naman sa Clippers makasaysayan ang kanilang pag-usad sa conference finals na kauna-unahan din makalipas ang 51-taon ng prangkisa.
Aminado naman si Michell na nagpabaya sila sa depensa na siyang sinamantala ng LA.
“We didn’t execute defensively,” ani Mitchell. “We didn’t get back and let their guys do whatever they want.”
Makakaharap ng Clippers ang No. 2 na Phoenix Suns sa kanilang panibagong yugto ng serye.
Para kay George, tinawag niyang espesyal ang kanilang naging panalo at ramdam niya ang excitement ng mga fans kung saan sa unang pagkakataon ay bumuhos ang fullhouse na 17,105 fans sa kanilang teritoryo sa Staples Center.
“The playoffs are about grit, it’s about fighting,” wika pa ni George. “It’s about whatever it takes… I think we’ve shown that.”