Pinahiya ng Los Angeles Clippers ang Los Angeles Lakers na nagkataon pa na awarding ng rings bilang NBA world champions.
Nagsama ng puwersa sina Paul George na may 33 points at si Kawhi Leonard na nagdagdag ng 26 points upang bitbitin ang Clippers sa 116-106 win laban sa karibal na Lakers.
Sa tindi ng init ng kamay ni George naipasok niya ang limang three pointers, na kagagaling lamang sa pagpirma sa ng four years extension sa halagang $190 million.
Buwena mano rin ang panalo para sa bagong coach ng Clippers na si Tyronn Lue.
Bago ang laro nagbunyi ng husto ang Lakers team nang isagawa ang seremonyas para tanggapin ng mga players ang championship ring na hudyat ng kanilang ika-17 titulo sa kasaysayan ng prangkisa matapos na talunin kamakailan ang Miami Heat sa NBA bubble.
Samantala, dahil sa pagkatalo sa Clippers nasayang ang opensa nina NBA superstar LeBron James na nagtapos sa 22 points at si Anthony Davis na nagpakawala ng 18.
Ayon kay James, medyo iniinda niya ang kanyang bukong-bukong sa second half kaya umabot lamang siya sa 28 minutes sa game.
Umabot pa sa 22 points ang naging kalamangan ng Clippers sa first quarter bago ito nahabol sa ikalawang yugto ng laro.
Gayunman pagsapit ng third at fourth quarter dito na umalagwa ng husto ang Clippers sa walang humpay na tirada ni George.
“We ran our offense and that’s what we take pride in tonight,” ani Leonard. “Everybody had each other’s back and was staying positive.”
Si Serge Ibaka ay nag-debut rin sa bago niyang team sa Clippers na may 15 points.
Ang dati namang mga Lakers na sina Lou Williams at Ivica Zubac ay kapwa nag-ambag ng tig-11 puntos.
Sa kampo ng Lakers inalat ang mga bago nilang teammates na sina Dennis Schröder, Marc Gasol at Wesley Matthews.
Ang next game ng Clippers ay sa Christmas day kung saan bibisita sila sa Denver.
Habang ang Lakers ay host naman kontra sa Dallas.