Muling sumandal ang Boston Celtics sa kanilang bagong go-to guy player na si Jayson Tatum upang isalba ang team laban sa Los Angeles Clippers sa makapigil hininga na double overtime, 141-133.
Ang first timer na All-Star na si Tatum ay may kabuuang 39 points kung saan ang kanyang 16 ay naipasok sa overtime period.
Malaking tulong din sa Boston ang nagawa nina Marcus Smart na may 31 points, Gordon Hayward na nagtapos ng 21 points at 13 rebounds habang si Kemba Walker ay nagpakita ng 19 points at nine rebounds.
Ito na ang ikapitong sunod na panalo ng Celtics sa kanilang teritoryo o walo sa siyam na kabuuang huling mga laro.
Nagpadagdag sa kamalasan ng Clippers ang pagkawala ni Paul George sa second quarter bunsod ng left hamstring strain.
Nanguna naman sa Clippers sina Lou Williams na kumamada ng 35 points at si Kawhi Leonard ay nagtapos sa 28 points sa 11 rebounds.
Mistulang nakaganti ang Boston dahil sa una nilang banggaan noong Nov. 20 ay namayani ang LA sa overtime din, 107-104.
Hawak ngayon ng Celtics ang 38-16 record samantalang pansamantalang natigil ang Clippers sa 37-18.
Pahinga muna ngayon ang mga teams para sa All-Star game kung saan ang highlights ay gagawin sa darating na Lunes.