Nagpakawala ng 36 big points si Kawhi Leonard upang tulungan ang Los Angeles Clippers na malusutan ang Dallas Mavericks, 110-107, at madagit ang kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Umalalay din si Landry Shamet na tumipa ng 18 points, kabilang na ang dalawang krusyal na clutch 3-pointers sa final canto para tapusin na rin ang four-game winning streak ng Dallas.
Namayani naman sa hanay ng Mavs si Luka Doncic na kumamada ng 36 points, 10 rebounds at siyam na assists.
Umiskor din si Doncic ng 24 puntos sa second half makaraang malubog sila sa double digits mula sa huling bahagi ng seond quarter hanggang sa halos kabuuan ng third.
Mistulang see-saw naman ang nangyari sa huling quarter na nag-umpisa matapos pumukol ng tres si Shamet mula sa kaliwang panig upang ibigay ang 100-98 abanse sa Los Angeles sa huling 2:48.
Nagdagdag din ng dalawang free throws si Montrezl Harrell, at kalaunan ay nagbaon muli ng isa pang 3-pointer si Shamet upang palawigin sa pito ang angat ng Clippers.
Sa Huwebes, tutungo sa Atlanta ang Clippers para kalabanin ang Hawks.
Nasa Portland naman ang Mavericks sa Biyernes.