VIGAN CITY – Muling hiniling ng Department of Agriculture (DA) ang mahigpit na koordinasyon ng mga local government units sa mga hog raisers na kanilang nasasakupan upang kaagad silang mabigyan ng ayuda kung sakali mang makumpirmang apektado sila ng African swine fever (ASF).
Hindi ikinaila sa Bombo Radyo Vigan ni Agriculture Secretary William Dar na kulang ang P3,000 na ibinibigay nilang cash assistance sa mga apektadong hog raisers kung kaya’t hiniling niya sa mga LGU na tulungan ang ahensya sa pagbibigay ng ayuda sa mga apektadong hog raisers na kanilang nasasakupan.
Muli nitong sinabi na maliban sa cash assistance ay mayroon pang loan assistance na maaaring i-avail ng mga apektadong magbababoy na aabot sa P30,000 na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon.
Kaugnay nito, nanawagan muli ang kalihim sa mga magbababoy sa bansa, lalo na sa bahagi ng Luzon na makipag-ugnayan sila sa mga kinauukulan kung nagkakasakit na ang kanilang mga alagang baboy upang kaagad itong makumpiska at mai-dispose ng maayos.