-- Advertisements --

CEBU CITY – Magsasagawa ng close monitoring ang local government unit (LGU) ng Mandaue, Cebu at Department of Health (DOH)-7 sa Butuanon River matapos itong magpositibo sa polio virus.

Ito ang naging desisyon ni Mandaue City Mayor Jonas Cortez, Cebu City Mayor Edgardo Labella at ng DOH-7 matapos ang kanilang close coordination meeting ngayong Lunes.

Ayon kay Dr. Jaime Bernadas, regional director ng DOH, palalakasin nila ang bakuna laban sa polio at bibisitahin rin umano nila ang mga kabahayan malapit sa nasabing ilog para ma-trace kung meron bang nagpositibo sa sakit.

Isa rin sa kanilang nakikitang solusyon ngayon ay ang relocation ng mga informal settlers na nakatira malapit sa ilog, bagay na sinimulan na rin ni Mayor Cortez.

Nilinaw naman ng director na wala pang natalang polio victim sa Central Visayas.

Habang inihayag naman ni Labella na nagsagawa na ng health profiling ang health officer sa lungsod ng Cebu para sa mga nakatira malapit sa 5-kilometer radius ng ilog at ililipat rin umano ang mga ito sa mga medium rise building na sa ngayon ang tinutukan ng alkalde.

Suspendido rin umano sa ngayon ang mga clean-up drive ng mga ilog sa lungsod at off-limits muna ito para sa publiko.