Magsisimula na ang tatlong buwan na ‘closed fishing season’ sa mga isdang mackerel at sardinas sa ilang mga karagatang sakop ng Pilipinas.
Sa hilagang-silangan ng Palawan, sisimulan na ang implementasyon nito bukas, November 1, 2024.
Sa Visayan Seas at Zamboanga Peninsula, magsisimula ang tatlong buwan na pagbabawal manghuli ng mga naturang isda sa November 15, 2024.
Ang mga naturang lugar ay ang nagsisilbing pangitlogan ng mga isdang mackerel at sardinas kaya’t pinoprotektahan ito ng pamahalaan bilang bahagi ng conservation effort nito sa mga naturang isda.
Sa kasagsagan ng tatlong buwan, ipinagbabawal ang panghuhuli ng mga naturang isda at sinumang mahuling gagawa nito ay pagmumultahin ng hanggang P200,000 o pagkakakulong ng hindi tatagal ng anim na buwan, batay sa itinatakda ng Section 823 ng Republic Act No.4003 na mas kilala bilang Fisheries Act.
Tiniyak naman ng Department of Agriculture(DA) ang kasapatan ng isda sa kasagsagan ng tatlong buwan na closed fishing season, kabilang na rito ang pag-angkat ng ilang metriko tonelada ng galunggong bilang karagdagang supply sa mga local market.