LEGAZPI CITY – Nagliyab ang isang closed van habang binabaybay ang kalsadang sakop ng Brgy. Pawican, Cataingan, Masbate.
Mabilis namang rumesponde sa insidente ang firetruck ng Palanas MDRRMO na karatig-bayan lamang ng Cataingan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Palanas MDRRMO head Chris Jo Adigue, hindi agad napansin ng driver na umaapoy na pala ang likurang bahagi ng sasakyan kung hindi inabisuhan ng isang motorista.
Dahil sa nangyari, nasunog ang gulong ng closed van maging ang mga kargang CPU ng computer na inaalam pa sa ngayon kung magkano ang halaga ng pinsalang aabutin.
Nagulat naman ang mga otoridad nang tingnan pa ang ibang laman ng closed van at tumambad ang pitong sako ng dried seahorse na hindi idineklara sa papeles na hawak ng driver.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng Cataingan PNP ang closed van at driver nito habang patuloy na iniimbestigahan sa mga kargamento.
Nabatid na mula sa Cebu ang naturang sasakyan at babiyahe sana patungong Metro Manila.
Samantala, posibleng nag-ugat umano ang sunog sa LPG na ginagamit ng driver at pahinante kapag nagpapahinga at nagluluto habang nasa biyahe.