-- Advertisements --


CENTRAL MINDANAO – Umaabot na sa mahigit P1 billion ang halaga ng mga pananim sa probinsiya ng Cotabato ang labis na naapektuhan ng tagtuyot.

Sinabi ni Cotabato Provincial Agriculturist Remedios Hernandez, ang mga pananim na labis na apektado ng El Niño ay mais, palay, cacao, saging, gulay at iba pang high value crops.

Pansamantala munang itinigil ng provincial government ang cloud seeding operation epektibo nitong April 9, 2019 dahil sa pagkukumpuni ng eroplanong ginagamit.

Ang eroplano ay nakabase pa sa Bangoy International Airport sa Davao City.

Ang cloud seeding operation ay may kabuuang pondo na P8.3 million na may katumbas na 57 sorties o paglipad ng eroplano na magsasabog ng asin sa mga seedable clouds o mga ulap na nagdadala ng ulan.

Ang budget na ito ay nakalaan para sa Region 11 at Region 12 na mula sa kaban ng Bureau of Soils and Water Management.

Sa probinsiya ng Cotabato, nakapagsagawa na ng limang sorties na cloud seeding.

Bilang suporta ng probinsya sa operation, nagsagawa din ng cloudspotters training ang Office of the Provincial Agriculturist (OPAG) kamakailan na pinondohan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa lalawigan.

Ang mga cloud spotters sa bawat bayan ay nagpapadala ng mga larawan ng seedable clouds sa control post sa Davao Airtport na siya namang basehan ng ruta ng lilipad na eroplano na may dalang asin.

Unang namamahagi ng calamity seeds assistance ang OPAG sa mga apektadong mga magsasaka ng palay, mais at high value crops bilang tulong sa kanila.

Matatandaanh isinailalim ang buong probinsiya ng Cotabato sa state of calamity dahil sa grabeng pinsala sa mga pananim sa nararanasang sobrang init ng panahon.