Sinimulan na ang cloud seeding operations sa Angat Dam bilang isa sa mga hakbang upang maiwasan ang pagkakaroon ng kakulangan sa supply ng tubig dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel nito.
Sa isang statement ay kinumpirma National Water Resources Board Executive Director Sevilo David Jr., na mula pa noong nakaraang linggo ay sinimulan na ng Manila Waterworks and Sewerage System at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang kanilang cloud seeding operation sa naturang dam.
Ayon sa PAGASA, makikita sa kanilang pinakahuling datos ang pagkakapareho nito sa naging datos noong 2010 kung saan ay nakaranas ang bansa ng krisis sa tubig.
Batay dito ay posible anilang maabot na ng lebel ng tubig sa Angat Dam ang critical level nito pagsapit ng Hunyo.
Habang patuloy na bumababa ang lebel ng tubig, binawasan ng National Irrigation Administration ang suplay nito sa timog at hilagang lugar sa Bulacan at ilang bahagi ng mga lupang palayan sa Pampanga.
Ang Angat Dam kasi ang primary source ng potable water sa buong Metro Manila, nagbibigay din ito ng irrigation water supply sa Bustos Dam sa Bulacan, at iba pang bahagi ng irrigated rice lands ng Pampanga.
Samantala, sa ngayon ay nasa 190.94 meters na ang water elevation sa nasabing dam ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Bulacan, mas mataas ito ng 10.94 meters kompara sa 180 meters na minimum operating level nito.