CAUAYAN CITY – Sinimulan na Department of Agriculture (DA) Region 2 ang cloud seeding operation sa Isabela at iba pang lugar sa rehiyon dos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 na isinagawa ang cloud seeding kahapon dahil sa labis na pangangailangan ng mga pananim na mais, palay at mga gulay.
Bagamat ang Isabela pa lamang ang may pormal na kahilingan ng pagsasagawa ng cloud seeding operation ay isinagawa ito ng DA iba pang lalawigan ng Region 2.
Sinabi ni Edillo na bagamat nakaranas ng pag-ulan ang rehiyon sa mga nakalipas na araw ay hindi ito sapat para sa mga pananim.
Katuwang ng DA ang Philippine Air Force (PAF) sa pagsasagawa ng cloud seeding operation.
Nauna nang inihayag ng Pagasa na makakaranas ang bansa ng below normal na pag-ulan kaya’t ipinag-utos ni Agriculture Secretary Manny Piñol ng pagsasagawa ng cloud seeding operation sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.