Umakyat pa sa 64 ang bilang ng mga barangay sa Cebu City na may clustering of cases ng COVID-19, ayon sa Department of Health (DOH).
Kung maalala, June 26 nang ianunsyo ng ahensya na mayroon nang clustered cases sa 49 na barangay sa lungsod, at posibleng dahil daw ito sa pinaluwag na community quarantine at community transmission.
Dito naman sa National Capital Region, 314 na barangay daw ang may clustered cases.
Tinatawag na clustered cases ang mga lugar na may dalawa o higit pang kaso ng sakit.
Nakatukoy din umano ng tatlong “closed settings” ang ahensya sa Metro Manila, kung saan kasama ang MRT-3.
Binigyang diin ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang paalala sa publiko hinggil sa mga hakbang na dapat tandaan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
“The basic rule in a quarantine, kapag ikaw ay, kahit anong level pa ng quarantine yan, (whether) ECQ, GCQ o MGCQ, ang basic principle natin, naka-quarantine tayo. So kung wala kang kailangan gawin sa labas, huwag kang lumabas ng bahay. Stay at home.”
Bukod dito, ipinaalala rin ng opisyal na iwasang magpunta sa mga lugar na may kaso ng community transmission.
“Kapag ikaw ay galing sa may community transmission (tapos) pumunta ka doon sa isang area na walang ganoong transmission na level, you’re supposed to quarantine, because you’re coming from a high risk area.”