Nakatakdang magbukas ng clustered sites ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga susunod na araw para masolusyunan ang problema sa mahabang pila ng mga taong magtutungo sa kanilang central office para sa assistance.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, plano nilang gawing clustered sites ng DSWD ang basketball courts, cinema houses, at iba pang multipurpose facilities malapit sa kanilang central office.
Maliban dito ay magpapatupad din ng numbering system ang ahensiya kung saan ang mga hindi makakaabot sa cut-off ay bibigyan ng number sa mga susunod na araw.
Nagpaliwanag din ang opisyal sa kabiguang makapagbigay ng tanggapan ng numbers para sa mga susunod na araw, ito ay dahil naabot na aniya ang kanilang quota para bukas at sa mga sumunod na araw.
Nilinaw din ng opisyal an ang mga nakapila ay ang mga nagnanais na makapag-claim ng burial, medical at educational assistance.
Hinimok din ang publiko na bisitahin ang kanilang field offices sa halip na bumiyahe sa central office habang sinisikap ng departamento na makapagtatag ng satellite office sa loob ng 45 hanggang 60 araw.
Pinaplano ng DSWD na maglagay ng payout centers sa Camanava, Muntinlupa area, Pasig, Mandaluyong, San Juan, Marikina, Manila, at Quezon City.
Ibinunyag din ng kagawaran na kanilang target na makapaglunsad ng isang chatbot at isang digital portal kung saan maaaring makapag-upload ang mga benepisyrayo ng kanilang requests sa mga susunod na buwan.