Nagpakawala ng fallaway jumper si LeBron James sa nalalabing 30 segundo upang ilista ang 114-112 pagtakas ng Los Angeles Lakers kontra Boston Celtics.
Pumoste rin si James ng 29 points, siyam na assists at walong rebounds sa kanyang all-around game.
Namayani naman sa Los Angeles si Anthony Davis na nagpamalas ng 32-points, 13-rebound performance.
Sa panig ng Celtics, hindi nagbunga ang 41 big points ni Jayson Tatum, maging ang 20 markers ni Jaylen Brown.
Kasalukuyang nasa tuktok ng Western Conference standings ang Lakers, habang nasa ikatlong puwesto naman ang Boston sa East.
Samantala, agaw pansin din ang panonood sa courtside ni Celtics great Bill Russell, na suot din ang jersey ng namayapang basketball star na si Kobe Bryant.
Sa Miyerkules, bibisita ang Celtics sa Portland Trail Blazers, habang makakasagupa naman ng Lakers ang New Orleans Pelicans.