Ipapatawag ng House Quad Committee ang Commission on Audit (COA) para imbestigahan ang intelligence fund ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng 6 na taon niyang panunungkulan.
Ayon kay House public order and safety chairperson at Laguna Representative Dan Fernandez, posible umanong ginamit ang intel funds sa pagbibigay ng rewards sa drug war killings.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag kasunod ng mga rebelasyon ni retired PCol. Royina Garma sa pagdinig ng komite na ipinag-utos ng dating Pangulo ang pagpapatupad sa buong Pilipinas ng tinatawag na Davao model kung saan binibigyan ng pabuyang pera ang mga pulis na makakapatay sa mga drug suspect.
Ani Fernandez, lumabas ang naturang usapin ng ibunyag ni Garma na nanggaling ang pera sa MalacaƱang. Kayat kung nanggaling umano ang pondo sa pamahalaan at isinagawa ng kapulisan ang operasiyon, sa intel fund umano ito manggagaling.
Sinabi din ni Cong. Fernandez na ito ang kanilang titignan kung paano ginamit partikular na ang intel fund ng Office of the President sa ilalim ni ex-PRRD para sa naturang reward system.
Samantala, bagamat dumadaan ang intel fund ng OP sa audit ng COA, hindi isinasapubliko ang findings ng komisyon dahil na rin sa security reasons.
Pinabulaanan din ng mambabatas ang mga pahayag ng mga kaalyado ni dating PRRD na kinakasangkapan umano ang House QuadComm para sa demolition job at i-pressure ang mga testigo gaya nina Garma para idiin ang dating Pangulo at kaniyang mga kaalyado.