Ipinag-utos ng Commission on Audit (COA) sa Department of Tourism (DOT) na i-refund ng buo ang nasa kabuuang P6.159 million na pondo ng gobyerno na ginugol ng ahensiya na hindi naman kailangan, iregular at labis na expenditures o gastusin.
Sa 2022 audit report sa kagawaran ng turismo, napag-alaman ng state auditors na gumastos ang Office of the Secretary (OSEC) at Regional Offices sa Ilocos, Calabarzon, Bicol, Davao at Caraga na hindi naman alinsunod sa batas, mga patakaran at regulasyon ng gobyerno.
Kabilang sa ikinokonsiderang irregular expenditures ng Office of the Secretary ay ang P168,500 sa transportation allowance para sa mga opisyal na mayroon ng nakalaang government transportation.
Sa pagbusisi din sa trip tickets, naibunyag na ginagamit ng isang opisyal ang service vehicle sa ilang mga okasyon kahit hindi ito opisyal na naka-assign sa naturang official at nakakatanggap din ng transportation allowance hanggang sa kasalukuyan.
Gumastos din ang OSEC ng P260,575 para sa mga serbisyo ng tour operator na ikinokonsiderang excessive o labis-labis ng audit team.
Gayundin, nabatid na gumugol ng P962,679 ang OSEC na itinuturing naman na iregular ng audit team ng National Ecotourism Strategy Action Plan for Luzon na mayroong target attendees na 100 subalit tanging 74 lamang ang nagpakita.
Ilang twin-sharing rooms din ang hindi nagamit at walang breakdown ng mga ginastos para sa accomodation, transportation, meeting venue at pagkain at tour ng Mt.Pinatubo.
Samantalang ang Calabarzon naman ay gumastos ng unnecessary funds na nagkakahalaga ng P1.771 million para sa giveaways sa isang seminar na pumapalo sa P300 hanggang P4,500 gayundin ang pag-hire ng van sa halagang P1.735 million o P7,500 hangagng P16,000 kada araw kahit na mayroon namang anim na available na government vehicles kabilang ang 3 newly acquired na sasakyan noong 2022.
Batay naman sa pamunuan ng DOT, sinabi nito sa audit team na papalakasin ng General Services Division ang koordinasyon nito sa Human Resources Division may kaugnayan sa assignment ng mga sasakyan ng Office of the Secretary.
Paliwanag pa ng kagawaran na hindi nito inaasahan ang mababang turnout ng mga attendee sa event kung kayat hindi fully-utilized o nagamit ang twin-sharing rooms.
Pinanindigan naman ng DOT-Calabarzon ang ginastos para sa livelihood trining at kits na makakatulong para sa mga participant para sa pagsisimula ng kanilang kabuhayan.
Natanggap ni Tourism Secretary Christina Frasco ang kopiya ng report noong Hunyo 3o ng kasalukuyang taon.