-- Advertisements --

Tinawag ng Commission on Audit ang atensyon ng mga opisyal ng Mt. Province State Polytechnic College matapos itong gumastos ng aabot sa P1.134 milyon para sa mga seminar o kumperensya na ginanap sa iba’t ibang resort sa ibang probinsya noong 2022.

Ayon sa COA, kwestyunable ang naturang paggasta dahil may mga alternatibong lugar na magagamit sa lokalidad na maaaring tumanggap ng mga naturang aktibidad .

Maaari sana aniyang makatipid ang paaralan ng humigit-kumulang P214,852.78 para sa mga karagdagang gastos .

Kabilang na rito ang gasolina, pag-arkila ng kotse, pagkain , parking , at iba pa.

Batay sa record na nakuha ng audit team idinaos ng naturang unibersidad ang 2021 Year End Assessment at 2022 Planning sa isang Resort sa Tuba, Benguet mula Disyembre 7 hanggang 10, 2021.

Ito ay nagkakahalaga ng aabot sa P317,934.

Sinundan ito ng Review of Advance Education Strategic Plan and Action Planning para sa 2022 sa isang resort sa Bolinao, Pangasinan mula Marso 27 hanggang 31, 2022, at iba pang mga events.

Sa kabuuan, ang mga seminar o conference ng MPSPC ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang P988,410 para sa mga pagkain, function room at pagpapaupa ng tirahan; P92,492 para sa mga pagkain habang nasa biyahe; at P52,750 para sa pag-arkila ng gasolina at kotse.

Samantala,sinabi naman ng management na hindi maiiwasan ang venue sa labas ng probinsya dahil ang mga consultant at speaker ay dapat na manggagaling sa ibang lugar, kaya ang mga kalahok ay ang kailangang bumiyahe.

Kaugnay nito, naniniwala ang COA na ang paggastos ng kabuuan sa loob ng lalawigan ay makakatulong sana sa lokal na ekonomiya.

Pinaalalahanan naman ng COA ang pamunuan ng MPSPC na may tungkulin itong “siguraduhin ang kahusayan, ekonomiya, at ang pagiging epektibo sa mga operasyon ng gobyerno” at “pangalagaan laban sa pag-aaksaya” ng pampublikong pondo.