Nilinaw ng Commission on Audit (COA) na wala umanong ginastos ang Kongreso para sa confidential at intelligence expenses noong 2019.
Una rito, batay sa annual financial report ng COA, isa raw ang Kongreso sa pinakamataas na ginastos para sa “confidential, intelligence, extraordinary and miscellaneous expenses” noong naturang taon.
Tinalo pa raw nito ang Department of National Defense na may P3.08-bilyon at ang Office of the President na mayroong P2.41-bilyon.
Sa isang pahayag, sinabi ng COA na gumastos lamang ang Kongreso ng P3.98-bilyon para sa extraordinary at miscellaneous expenses.
“While appearing under the sub-major account category Confidential, Intelligence, and Extraordinary Expenses prescribed under the Revised Chart of Accounts for National Government Agencies, the ₱3.98 billion entry clearly refers to the item ‘Extraordinary and Miscellaneous Expenses’,” anang komisyon.
Paliwanag ng state auditors, ang extraordinary and miscellaneous expenses ay mga gastusin para sa mga meeting, seminars, office equipment and supplies, at iba pa.
Samantalang ang confidential expenses ay iniuugnay naman sa surveillance activities sa mga civilian government agencies, habang ang intelligence expenses ay tungol sa pangangalap ng impormasyon na ginagawa ng mga uniformed personnel.