Ikinabahala ng Commission on Audit (COA) ang patuloy na paglago sa bilang ng mga preso sa buong bansa noong 2018.
Batay sa annual audit report ng COA para sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), pumalo ng higit 400% o higit 110,000 ang nadagdag sa populasyon ng mga Pilipinong nakapiit sa kulungan noong nakaraang taon.
Ayon sa state auditors, malaki ang naging epekto ng mataas na kaso ng drug cases at mabagal na aksyon ng mga korte sa siksikang sitwasyon ng mga preso.
Sa pagsusuri ng COA, nabatid na 25,268 lang ang ideal na capacity ng jail facilities sa bansa, pero sa pagtatapos ng 2018 ay umabot na raw ng halos 140,000 ang populasyon sa mga kulungan.
Nagbabala ang mga opisyal hinggil sa banta ng sakit dahil sa naturang sitwasyon.
Iginiit ng ahensya na paglabag sa mismong BJMP Manual on Habitat, Water, Sanitation, and Kitchen in Jails ang patuloy na operasyon ng mga siksikang pasilidad.
Hindi rin daw ito patas sa nilalaman ng United Nations Minimum Standard Rules for the Treatment of Prisoners.
“To sustain survival, inmates hold on to gangs or ‘pangkat’ where they find protection, network of social support and most important, access to material benefits. These situations are prevalent in highly congested facilities.”
Kaugnay nito, inamin ng BJMP na nakikipag-ugnayan na sila sa Supreme Court para matugunan ang congestion ng mga inmates gaya ng maagang pagpapalaya sa mga ito.
Umapela na rin daw ang tanggapan sa Kataas-taasang Hukuman para payagan ang implementasyon ng Katatagan Kontra Droga sa Komunindad program bilang in-house na programa sa mga drug suspects.