-- Advertisements --

Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang umano’y mga delayed na flood control project ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sa 2023 annual audit report ng COA sa MMDA, nakasaad dito na 22 mula sa kabuuang 58 project na nasa ilalim ng Metro Manila Flood Management Project Phase 1 ang naantala ang pagka-kumpleto.

Batay sa target completion date ng mga naturang proyekto, dapat sana ay natapos na ang mga ito noon pang Disyembre 31, 2023. Ito ay mahigit 300 days na naantala mula sa target.

Ang mahigit 20 na proyekto ay mayroong kabuuang budget na P510,58 million

Nakasaad pa sa audit report ng COA na 29 na iba pang flood control project ng MMDA ay hindi pa maimplementa dahil sa umano’y hindi pagsunod sa ‘early procurement activities’.

Ang 29 proyekto na ito ay may kabuuang halaga na P371.029 million.

Ilan sa mga dahilan na tinukoy ng COA kung bakit nagkaroon ng mahaba-habang delay ay ang umano’y mahinang istratehiya ng MMDA sa monitoring at implementasyon sa mga programa at proyekto nito.

Ito ang nagiging dahilan, ayon sa komisyon, kaya’t palaging binabago ang target completion date sa mga naturang proyekto.

Suhestiyon ng COA, kailangang pabilisin ng MMDA ang implementasyon ng mga programa at proyekto nito upang mapagbuti ang kalidad ng serbisyo para sa publiko.