Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang mga nadiskubreng errors sa database ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) para sa mga senior citizen.
Kabilang na dito ang natuklasang double entries at ang mga pumanaw na senior na nananatili pa rin sa listahan ng mga aktibong miyembro sa pagtatapos ng 2023.
Ayon sa COA, may hindi kumpleto o maling data sa 1,335,274 senior citizen beneficiaries.
Natuklasan na mayroong 266,665 senior citizen accounts ang may parehong fist at last names at petsa ng kaarawan.
Kaugnay nito, sinabi ng COA na ang nasabing mga double o multiple entries ay katumbas ng P1.33 billion na subsidiya mula sa gobyerno na ibinigay para sa state health insurer dahil nga hindi pinagbabayad ang mga miyembrong senior citizen ng kanilang kontribusyon.
Sinabi din ng COA na ang erroneous o maling datos ay maaaring mag-mislead sa bilang ng mga benepisyaryong saklaw nito.
Samantala, isa pa sa concern na itinaas ng COA ay ang pagkakasama sa listahan ng Philhealth ng mga pangalan ng nasa 4,062 na senior citizen na pumanaw na.
Bineripika ito ng COA audit team sa 250 ospital at clinic kung saan napag-alaman na pumanaw ang mga ito noon pang 2019 hanggang 2022.
Bilang tugon naman sa findings ng COA, sinabi ng Philhealth na kanila ng nililinis ang kanilang database at itinatama ang mga entries at nagsasagawa na rin ng re-orientation o refresher training sa kanilang mga encoder.