-- Advertisements --
DICT project

Nagpahayag ng pagkabahala ang Commission on Audit(COA) sa libo-libong mga tablet na hindi pa naipapamahagi ng Department of Information and Communication Technology’s (DICT).

Ang mga naturang kagamitan ay donasyon ng United Nations Development Program (UNDP) noon pang nakalipas na taon.

Ang mga ito ay bahagi sana ng tulong ng UN para sa COVID-19 Vaccination Program ng gobierno kung saan ay magagamit ang mga naturang gadget sa implementasyon ng Vaccine Information Management System (VIMS) o pagmonitor sa progreso ng pagbabakuna.

Kabuuang 4,000 tablets ang naging donasyon noon ng UN

Gayonpaman, natuklasan ng COA na 17% lamang ang naipapamahagi hanggang sa ngayon kung saan ang natitirang 83% o katumbas ng 3,304 tablets ay nananatiling naka-imbak.

Sa kasalukuyan, wala pang natukoy ang DICT na benepisyaryo para sa mga natitirang tablet ngunit una na ring nakapaglatag ang ahensiya ng mga share sa bawat rehiyon.

Sa naunang plano ng DICT, ang Cagayan Valley ang makakatanggap ng pinakamlaking bilang na 505 at sinundan ito ng Bicol Region na may 478.

Bahagi ng audit report ng COA ay ang umano’y dahilan ng DICT kung bakit naantala ang distribusyon.

Ayon sa komisyon, ikinatwiran umano ng DICT ang kakulangan ng mga ligal na dokumento para sa pag-transfer ng ownership sa mga tablet.

Ipinagdiinan naman ng DICT na ang mga naturang kagamitan ay naideliver pa noong 2022 at hindi pa nagagamit habang nasa bodega.

Nagkakahalaga ang mga tablet ng kabuuang P60.39 million.