Bukas pa rin daw ang pintuan ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes para madagdagan pa ang national team ng mga players na sasabak sa 2023 Fiba World Cup Asian qualifiers.
Ginawa ni Reyes ang pahayag, tatlong linggo bago ang pagsisimula ng torneyo kung saan gaganapin ang qualifiers dito sa Pilipinas.
Una nang ikinalungkot ng coach ang kakulangan nila ng mga players na ang iba ay ayaw pakawalan ng ilang unibersidad sa UAAP, habang ang iba naman ay naglalaro na sa Japan sa professional basketball doon.
Inamin naman ni Reyes na hanggang sa ngayon ay hindi pa niya alam ang pinal na line up ng Gilas Pilipinas.
Sa ngayon ilan pa lamang ang siguradong kasama na sa Gilas na kinabibilangan ng naturalized player na si Ange Kouame, Dwight Ramos, Juan Gomez de Liano, William Navarro, Jaydee Tungcab, at Tzaddy Rangel.
Upang makompleto ang koponan, magpapahiram muna ng players ang PBA team na TNT Tropang Giga na hawak din ni coach Reyes.
Samantala, ang ilang players ng Gilas Pilipinas ay nasa training camp na ngayon sa loob ng Mount Malarayat Golf and Country Club na nasa Lipa sa Batangas.