-- Advertisements --

DAVAO CITY – Kumpirmadona isang delegado ng Private Schools Athletic Association (PRISAA) ang namatay dahil sa cardiac arrest.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Talomo Police Station, ang 53-anyos na beach volleyball coach sa Region 3 na si Pedrito Salonga, Jr. ay nadiskubre na wala ng buhay sa loob ng billeting headquarters sa Maa National High School sa lungsod bandang alas-4:00 ng madaling araw.

Ayon sa kapatid ng coach na si Dino Salonga, ginigising niya ang biktima ngunit hindi na ito bumangon dahilan kaya tumawag na ito ng medical assistance.

Agad namang dinala sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival ng mga doktor.

Sinabi naman ng attending physician nito na ang dahilan ng pagkamatay ng coach ay cardiac arrest.

Habang sinusulat ang balitang ito ay nasa SPMC pa ang bangkay ni Salonga at nakatakdang isailalim sa autopsy.

Tiniyak naman ni City Health Office (CHO) head Josephine Villafuerte na inihahanda na ngayon ng lungsod ang ibibigay na assistance para sa biktima pati na ang pagbiyahe ng bangkay nito pabalik sa kanyang lugar sa Angeles, Pampanga City.

Una nang humiling si National PRISAA president Ma. Lita Montalban kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tulungan sila sa sinapit ng coach.

Sa kasalukuyan, hindi pa nagpalabas ng official statement kaugnay sa nasabing insidente ang pamunuan ng PRISAA.