-- Advertisements --

Nakatakdang gawaran ng hero’s welcome si Coach Allen Aldrin “Coach Aldrin” Castañeda, ang nagsisilbing coach ni Paris Olympics golden medalist Carlos Yulo.

Pinaplano na ng Cebu City ang magarbong pagsalubong sa naturang coach bilang pagkilala sa kanyang naging ambag upang magawa ni Yulo ang dalawang magkasunod na golden performance.

Bagamat wala pang tiyak na araw kung kailan babalik sa kanyang hometown ang batikang coach, inihahanda na umano ng LGU ang igagawad na pagkilala.

Maliban sa Cebu City, naghahanda rin ng magarbong pagsalubong ang Barangay Hippodromo kung saan nagmula si Castañeda.

Samantala, kasabay ng insentibong matatanggap ni Carlos Yulo sa kanyang dalawang golden performance mula sa gobiyerno, makakatanggap din si Castañeda ng 50% o kalahati ng mga matatangap nito.

Ang dalawang gintong medalya ni Yulo ay katumbas ng P20 million. Ibig sabihin P10 million ang matatanggap ni Castañeda mula sa pamahalaan.