Babalik na sa Pilipinas si Tim Cone at posibleng sa araw na Linggo ay balik na rin sa kanyang pagko-coach sa Barangay Ginebra.
Magtatapos narin kasi ang pagiging assistant coach niya sa Miami Heat sa ginaganap na NBA Summer League sa Las Vegas.
Huling game na ng Miami kontra sa Philadelphia ngayong Huwebes at pagkatapos nito ay aalis na rin ng Amerika ang tinaguriang winningest coach.
Inamin ni Cone na hindi pa rin siya makapaniwala sa napakabilis na pangyayari at magtatapos na ang kanyang stint sa summer league.
Labis naman ang pagmamalaki ni Cone na nakasama niya at nakausap ang isa sa sikat na NBA coach ang Fil-Am na si Erik Spoelstra ng Heat.
Kuwento pa ni Cone, nakaharap din niya ang ilang NBA players ng Miami tulad nina Bam Adebayo at Duncan Robinson.
Aminado rin ito na “starstruck” siya sa ilang pangyayari sa hindi malilimutang eksperyensa sa NBA Summer League.
Ipinagmalaki rin nito ang maraming mga natutunan na puwedeng magamit sa PBA.
Pero nagdadalawang isip din daw siya baka naman biglang magulat din ang mga players kung bigla niyang ipapatupad ang mga pagbabago.
Sa ngayon aaralin daw muna ni Cone kung anong mga eksperyensiya o sistema ang puwede niyang i-apply sa kanyang team sa PBA.