ILOILO CITY – Magsasampa ng kaso laban sa Philippine Coast Guard (PCG) ang pamilya ng mga biktima sa trahedya sa magkakasunod na tumaob na tatlong mga motorbanca sa Iloilo Strait na ikinasawi ng 28 katao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Joshua Grandeza, kapatid ng survivor na si Ma. Nieves Grandeza ng San Miguel, Buenavista, Guimaras, sinabi nito na mali ang impormasyong ibinigay sa kanila ng Philippine Coast Guard nang tumaob ang ikatlong bangka na MB Jenny Vince kung saan sakay ang 10 miyembro na kanilang pamilya.
Ayon kay Grandeza, matapos tumaob ang MB Jenny Vince, kaagad silang pumunta sa Buenavista Wharf upang kumuha ng impormasyon.
Sinabi ni Grandeza na sinagot lamang sila ng Philippine Coast Guard na naiakyat na sa rescue vessel ang lahat ng mga pasahero.
Dahil dito, umasa sila na nakaligtas nga ang mga kaanak nila ngunit kinagabihan, doon na nila nalaman na marami pang mga pasahero ang missing kabilang na ang pamilya Baguio ng Ermita, Cebu City.
Napag-alaman na tumungo sa Guimaras ang pamilya Baguio upang itakda ang kasal ng survivor na si Ma. Nieves Grandeza at ni Romeo Baguio Jr.. na isa sa mga namatay kasama ang kanilang tatlong taong gulang na anak na si Arvin Baguio at pitong iba pa na kasapi ng kanilang pamilya.