-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Pinasinayaan ng Philippine Coast Guard, Maritime Safety Services Command katuwang ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan at Department of Tourism ang kauna-unahang Recreational Safety Division sa isla ng Boracay.

Pinangunahan ni MSSC Commander Vice Admiral Joseph Coyme ang pagbasbas sa Recreational Safety Division kasama ang Command Chaplain na si Commodore Lowie Palines ng Philippine Coast Guard at iba pang mga opisyal ng ahensya.

Sa naging mensahe ni Vice Admiral Coyme, ang pag-activate aniya ng Recreational Safety Division ay nagmarka sa pagsisimula ng pro-active at community-driven na diskarte para sa kaligtasan ng mga turista upang mapalakas ang turismo.

Itinuturing din ang nasabing hakbang upang muling matukoy ang panuntunan ng recreational safety sa Pilipinas.

Samantala, inihayag naman ni PCG commander sub-station Boracay Lieutenant Junior Grade Joeweskie Sarza na tumaas ang tourist arrival sa pagpasok ng Abril at inaasahan na magtuloy-tuloy ito sa mga susunod na mga araw kung kaya’t malaking tulong ang inilunsad na Recreational Safety Division.

Paalala naman ni Sarza sa lahat ng mga byahero, bakasyunista at turista na laging unahin ang kaligtasan at iwasan ang pag-iinom lalo na’t maliligo sa dagat para makaiwas sa trahedya ng pagkalunod.

Sa kabilang dako, naitala ang libo-libong pasahero sa mga pantalan sa Western Visayas.

Sa datos ng Coast Guard District Western Visayas, Abril 14, dakong alas-6:00 ng gabi, naitala ang 20,090 outbound passengers habang 23,853 naman ang inbound passengers sa lahat ng pantalan sa rehiyon.

Sa kasalukuyan ay pupusan ang inspection at monitoring na ginagawa ng mga tauhan ng PCG sa mga bagahe ng mga pasahero.