LEGAZPI CITY – Nananatiling normal ang biyahe ng mga Roro vessel sa Matnog port sa Sorsogon subalit ipinagbabawal na ang pagpalaot ng maliliit na sasakyang pandagat dahil sa sama ng panahon na dulot ng pinangangambahang Bagyong Tisoy.
Ayon kay Coast Guard Substation Matnog-Sorsogon substation commander Chief Petty Officer (CPO) Nelson Jazo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, oras na maitaas na ang signal number 1 sa Matnog o sa Allen, Samar ay otomatiko nang kakanselahin ang biyahe sa naturang pantalan.
Hindi na rin pinapayagan ang mga bangka na ginagamit ng mga turista sa Matnog para sa seguridad ng mga ito.
Sa kabila nito siniguro ni Jazo na ligtas ang mga pasahero sa port terminal sakaling ma-stranded ang mga ito sa mga susunod na araw dahil sa naturang sama ng panahon.
Subalit aminado ang opisyal na limitado lamang ang kayang ma-accomodate ng port terminal kaya nanawagan ang opisyal sa publiko na huwag na munang bumiyahe kung hindi rin lang naman mahalaga ang pupuntahan upang hindi na mapasama pa sa mga posibleng ma-stranded.