-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Wala ring patid ang pagsasagawa ng seaborne patrol ng Coast Guard Northern Samar sa pag-asang matagpuan na ang mga nawawalang mangingisda sa lalawigan ng Catanduanes noong Disyembre 1.

Kasunod ito ng mga nakitang bangka sa Capul Island, Northern Samar na pagmamay-ari ng mga naturang mangingisda.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Petty Officer 3 Jeffrey Quintin Cruzata, commander ng CG Northern Samar, sinabi nito ng makumpirma na pagmamay-ari ng mga nawawalang mangingisda ang nadiskubreng bangka ay agad silang nakipag-ugnayan sa mga coastal barangay.

Inabisuhan ang mga mangingisda, resident maging ang mga dumadaan na barko na kung sakaling may makitang katawan ay agad na ipagbigay alam sa mga otoridad.

Aminado rin si Cruzata na pahirapan ang pagsagawa ng search and rescue operation dahil sa malakas na hangin at malalaking alon ng karagatan lalo pa’t mayroong gale warning.

Subalit pagtitiyak nito na gagawin ang lahat at hindi titigil hanggang sa mahanap ang limang iba pang mangingisda na nawawala.