Patuloy ang paghahatid serbisyo ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga typhoon-stricken areas sa ilalim ng kanilang Task Force Kalinga program.
Ayon sa PCG, hindi tumitigil ang kanilang mga barko at maging air assets na maghatid ng ayuda sa mga kababayan natin na hinagupit ng Bagyong Odette.
Mula kahapon, January 24, kabuuang 2,778.1 toneladang relief goods ang naihatid ng PCG sa Mimaropa (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan), Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas at Caraga Region.
Batay sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang PCG sa pamamagitan ng kanilang Task Force Kalinga ay patuloy na maghahatid serbisyo sa pamamagitan ng kanilang mga available assets sa mga sinalanta ng bagyo.
Sa kabilang dako, lubos na nagpapasalamat ang pamunuan ng PCG kay Finance Secretary Carlos Dominguez III sa pag-apruba sa donasyong 6,357.8 liters ng mga unmarked fuel o gasolina na nakumpiska ng Bureau of Customs.
Ayon sa Coast Guard, malaking tulong ito sa humanitarian and disaster response operations ng Task Force Kalinga.