LEGAZPI CITY- Nagpalabas ng abiso si Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes sa mga biyahero na gamitin na muna ang ilang mga pantalan sa Bicol region kung magtutungo ang mga ito sa Catarman, Northern Samar.
Ayon sa opisyal sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, inabisuhan sila ng Coast Guard sa Northern Samar na lubog pa rin sa baha ang isang bahagi ng national highway sa naturang lugar.
Dahil dito ay hindi aniya makakatawid ang mga truck at ilan pang uri ng sasakyan patungo sa Catarman.
Nabatid na nagkakaroon din ngayon ng pagsisikip ng biyahe sa Matnog port dahil sa desisyon ng mga kapitan ng barko na pansamantalang itigil ang biyahe tuwing gabi dahil sa malakas na alon.
Dahil dito, sinabi ni Galindes na pinapayuhan muna ang mga biyahero na lalagpas sa Catarman, Northern Samar na dumiretso na lamang sa mga pantalan ng Pio Duran sa Albay, Castilla at Pilar port sa Sorsogon patungong lalawigan ng Masbate saka tatawid patungo sa Cebu kung saan maraming ruta ang maaaring pagpilian patungo sa ibang bahagi ng Visayas.