-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Mas hinigpitan pa ngayon ng Coast Guard District Sorsogon ang pagbabantay sa mga entry at exit points sa lalawigan dahil sa banta ng African Swine Fever (ASF), na nakapasok na rin sa Bicol region.

Ayon kay Lt. Commander Limuel Noblefranca sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mas hinigpitan pa ang pag-iinspeksyon sa bagahe ng mga pasahero at mga cargo trucks na patungong Masbate at Samar upang masigurong walang nakakapuslit na contaminated pork products.

Subalit sa kasalukuyan ay wala pa naman aniyang namo-monitor na nakakalusot na mga produkto mula sa mga lugar na apektado ng ASF.

Paliwanag ng opisyal na kontrolado na ang sitwasyon mula pa lamang sa lugar na pinagmumulan ng mga pasahero kaya hindi na ito nakakapasok pa sa mga pantalan sa Sorsogon.

Dagdag pa ni Noblefranca na patuloy rin ang kanilang koordinasyon sa Bureau of Quarantine (BOQ), upang masigurong hindi makakapasok ang mga live at processed pork products na mula sa mga lalawigan na apektado ng ASF.