Hindi rin nakaligtas ang Coast Guard Substation sa bayan ng Dilasag, Aurora matapos ang pag-landfall ng bagyong ‘Nika’ sa naturang bayan kahapon, Nobyembre 11.
Ayon sa Coast Guard District North Eastern Luzon, inilipad ng malalakas na hangin ang malaking bahagi ng bubungan nito at pumasok ang tubig-ulan sa loob ng pasilidad.
Nasira rin ang ilang bahagi ng istasyon, dala na rin ng malalakas na hangin.
Sa kabila nito, ligtas at nasa maayos na kalagayan ang lahat ng mga CG personnel na naka-deploy sa naturang lugar.
Alas-8 ng umaga kahapon, Nov. 11, nang mag-landfall ang bagyong ‘Nika’ sa bisinidad ng Dilasag at sa loob ng ilang oras ay nananalasa ito sa mga coastal town ng Aurora at Isabela.
Maaalalang sa paglandfall din ng bagyong ‘Marce’ sa Sta. Ana, Cagayan nitong nakalipas na linggo ay nasira rin ang CG substation Sta. Ana at pinasok ng tubig-ulan ang loob nito.
Patuloy ngayon ang ginagawang paglilinis at pag-aayos sa mga naturang istasyon.