-- Advertisements --

Kinumpirma ng Commission on Elections na personal na pangungunahan ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia ang isasagawang Certificate Of Candidacy (COC) filing para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections.

Kaugnay nito ay sinabi ng komisyon na nakatakdang bumyahe si Garcia patungo sa rehiyon para sa naturang kaganapan.

Sisimulan ng Comelec ang paghahain ng COC sa BARMM mula sa Nobyembre 4 hanggang 9 ng taong ito.

Ang hakbang na ito ay bilang suporta sa mga empleyado ng komisyon na tatao sa gaganaping COC filling.

Makatutulong rin ang inisyatibong ito ni Garcia para tumaas ang moral ng kanilang mga empleyado at upang mapanatag sila.

Kung maaalala, nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng supporters ng mga kandidato sa huling araw ng paghahain ng COC sa nasabing rehiyon na ikinasawi ng isang katao at ikinasugat ng iilan.